Hindi siguro ito ang huling beses na magsusulat ako tungkol sa'yo. Marami pang pagkakataon na maiisip ko ang masasayang alaala nating dalawa. Hindi siguro kagabi ang huling beses na iiyakan kita. Hindi ko siguro dapat sinabi sa'yo na sana makita mo yung taong magmamahal sa'yo ng lubos kasi alam ko na walang ibang makakagawa ng pagmamahal na ninais kong ipakita at aminin sa'yo kung hindi ako. Wala sigurong umaga na magigising ako at ikaw ang unang iisipin ko, tulad na rin na walang gabi na hindi kita papanaginipan. Maraming "siguro" at mga bakasakali pero ito ay tapos na lahat. Nagawa na ang hinaharap na pareho nating kinatatakutan na darating.
Tuluy-tuloy pa rin ang pag tupi ko sa papel na pera upang gawing puso. Yang ibinigay ko sa'yo, sigurado akong itatago mo dahil katulad kita, at alam kong hindi mo sisirain ang pangakong iyon na itatago mo yan at hindi gagamitin. Ikaw na lang siguro ang huling taong bibigyan ko nyan, ayoko nang masayang ang pera at oras ng pag gawa ng mga espesyal na bagay na tulad nyan. Pasensya, tiwala at pagmamahal ang nilalaan ko sa bawat tupi ng papel. At lagi kong pinagiisipan kung ibibigay ko ba yun sa taong gusto kong alayan ng puso ko. Oo, tama nga ang inisip mo na nasayo ang puso ko. Siguro di mo na talaga yan maibabalik sa akin, kahit ngayon na nag iba na ang landas natin pareho.
Pero sigurado pa rin ako na magkikita pa tayo. Sigurado pa rin ako na makikita ko ang ngiti mo. Sigurado pa rin ako na pagdating ng araw na yun, maaalala natin ang lahat ng ating pinagdaanan at mabibigyan na rin nang pagkakataon ang pag-ibig na inilaan sa isa't isa. At sigurado pa rin ako, pagdating ng araw na yun, hawak mo pa rin ang isang espesyal na alaalang iniwan ko sa'yo.
Hindi ko mamadaliin ang mga araw. Hahayaan ko lang muna na lumipas ang kaunting panahon. Hindi ko ipagdadasal na dumating na yun agad kungdi ipagdadasal ko na sana pagdating ng araw na iyon, handa na tayo pareho. Ayaw ko munang hanapin ka, ayaw ko na munang isipin na sobrang masakit ang pag lisan mo. Hahayaan ko munang dumaan ang panahon.
No comments:
Post a Comment