January 2, 2011

363 days to go

Mag-isa ka nanaman. Daig ka pa ni ate may ka-HHWW sa mall. Minsan hindi mo alam kung maasiwa ka o maiinggit. Onga naman, bat sila may kasama ikaw wala? Pati yung kahera sa sinehan nagtaka bat isa lang na ticket binili mo, eh horror nga ang ipapalabas. Sino naman kaya ang tatabihan mo kung natatakot ka? Kung naka-off lang siguro sya, dadamayan ka nya.

Sa loob ng sine, lahat sila may katabi. Ikaw lang wala. Sila merong kayakap pag nakakatakot yung ipapalabas, ikaw pilit nagiging matatag. Sila dyan may maiiyakan pag di na kaya ang nakikita, ikaw naka-akap na lang sa sarili kahit takot na takot na. Buti pa sila.

At maiisip mo, kelan ba ang huling beses na kasama mo syang manood? Nalimutan mo na.

Pagtapos ng sine, kainan naman. Ang sweet naman nila na tabihan ka, yun pala eh kukunin lang yung bakanteng upuan sa harap mo. "Miss may kasama ka ba?", sabay hila ng upuan na di man lang antayin ang sasabihin mo. May kasama ka nga ba? May hinihintay ka ba? Obvious namang wala. Wag mo nag ipagpilitan na may tatabi pa sa'yo.

Dati-rati gusto mong nagso-solo ka. Mahilig ka pa nga maglakad mag-isa. Pero ngayon syempre dapat iba na. Dapat may kasama ka na kahit maglakad lang sa mall. Meron kang date kahit san ka man pumunta. Pero di mo naman alam kung mahahagilap mo sya. Alam mo na agad ang sagot sa tanong mo kung gusto nyang lumabas. Wag ka nang umasa.

A-dos pa lang ng Enero, parang Biyernes Santo na ang mukha mo. Dinaig mo pa ang bilis ng paglipat ng kalendaryo. Bagong taon pa lang, parang gusto mo nang tapusin ulit ito. Di siguro maiiwasan ang paglulumbay na nadarama. Naiintindihan ko naman na iba na ang nararamdaman mo. Kakapasok pa lang ng taon, may kulang na. Pilit mo laging iniisip na ngayon lang ito, pero ilang beses na nga bang nagparaya ka? Ilang beses na bang naramdaman mong nag-iisa ka?

Andyan naman sila pero hindi naman sila yung taong gusto mong nagiisip sa'yo. Sagad na ang pasensya, pati ang ngiti mo. Wala nang natira para sa taong ito kundi isang simangot. Maya-maya lamang ay ramdam mo na ang init ng luhang pilit lumabas sa mga mata. Hindi na tama ito, hindi na tulad ng dati. 

Sa bawat hakbang, napag-iisip, nagmumuni-muni. Sa sobrang lunkot, gusto mo nang humiga sa isang tabi. Gusto mo nang tawagan pero parang balewala rin. Hindi ikaw ang uunahin, hindi ikaw ang hinahanap. Lagi na lang ikaw ang nagpaparaya, ikaw ang unang gagawa ng hakbang. Pero tulad ng nasa-isip mo, pagod ka na. Sobra na ang binigay mo, naghahanap ka na ng sukli.

Titingin na lang sa orasan, uwian na pala. Kung noon ayaw mo pang umuwi, ngayon parang yun na lang ang dapat puntahan. Hindi ka pa ready sa pasukan, pero di mo na mahila ang mga minuto para lubusin ang natitirang bakasyon. Sa susunod na linggo ba ganito ulit tayo?

Nakaka-pagod din pala ang mag-isa.

No comments: